ika -6 ng Agosto 2024

 

PARA SA: lahat ng kasapi ng UP Credit Cooperative

 

Malugod po naming ipinapaalam sa inyo na ang ating aplikasyon sa Landbank na magkaroon ng "Stand-by Credit Line" ay nalalapit nang maaprubahan ng nasabing bangko. Kaugnay nito ay may mga pagbabagong isasakatuparan kung ang isang kasapi ay manghihiram sa pamamagitan ng kahit anong uri ng "Loan Facility" sa ating Kooperatiba.

 

Katulad rin ng patakaran ng ibang bangko, nais matiyak ng Landbank na mayroong kapasidad na magbayad ang ating Kooperatiba ng nakatakdang amortisasyon batay sa halaga ng hihiramin natin sa nasabing bangko. Dahil dito, ang ating Kooperatiba ay kailangang magsumite ng mga dokumento na magpapatunay na mayroon tayong ari-arian (assets) na siyang magbibigay ng kasiguraduhan ng ang Kooperatiba nga ay may kakayahang makapag-bayad ng halagang hihiramin sa Landbank.

 

Sa kasalukuyan, ang ating pong Kooperatibab ay may mahigit Pitong Daang Milyong Piso (₱700M) na pautang sa mga kasapi. Upang ang nasabing ari-arian ay maging ganap na patunay ng ating kakayahang magbayad, ang patakaran ng Landbank ay lagyan ng "Assignability Clause" ang lahat ng uri ng "Loan" sa ating Kooperatiba. Ito po ang pagbabago na binabanggit sa itaas ng bahagi ng liham na ipapatupad sa lalong madaling panahon.

 

Nais po naming linawin ng ang Kooperatiba ang sisingilin ng Landbank at hindi ang mga kasapi na may utang sa Kooperatiba. Tinitiyak din na makakabayad ang Kooperatiba sa itinakdang panahon dahil gagawing pangunahing hakbang ang pagbabayad ng nakatakdang amortisasyon sa Landbank sa ano mang pondo na papasok sa ating Kooperatiba.

 

Para sa ano mang katanungan tungkol dito ay maari pong tumawag sa Tagapamahala ng ating Kooperatiba na si Gng. Sherlaine D. Reyes sa telepono bilang 8924-8002 at 8646-8862.

 

Maraming salamat po.

Simula Agosto 1, 2024 pormal na ipinakikilala ang bagong Tagapamahala (Manager) ng U.P. Credit Cooperative.

Si Sherlaine D. Reyes ay hinirang na bagong Tagapamahala ng Board of Directors. Siya ay nagsimula sa Kooperatiba bilang Accounting Clerk I, noong 2013, natalaga din bilang Accounting Clerk IV, noong 2016 at Accountant noong 2023. Ang kanyang kakayahan sa pamamalakad ay pinatibay ng kanyang solidong karanasan sa gawain ng kooperatiba.

Matagumpay na naisagawa ang Midyear Operational Assessment ng UP Credit Cooperative (UPCC). Binuksan ang programa ni G. Arsenio Pagador sa pamamagitan ng mainit na pagbati sa mga dumalo na kinabibilangan ng opisyales ng  Board, mga kumite at ilan sa mga kawani ng UPCC. Nagbibigay din si G. Pagador ng sintesis noong nakaraang 2023 ng Midyear Operational Assessment bilng pag-alaala sa mga napag-usapan at napagkasunduan.

 

Unang nagpresenta ng ulat ang kasalukuyang Tagapamahalang Opisyal ng UPCC na si G. Erick Casinto para sa Operations Report. Sinundan ito ng pag-uulat ng iba't ibang komite gaya ng komite ng Credit, Slow moving, at Executive. sa ikalawang bahagi ng programa, inilatag ang mga estratehiya upang iwasan ang mga nakikitang panganib kaugnay sa pamamalakad ng kooperatiba.

 

Bahagi ang Midyear Operational Assessment ang patuloy na pagsusulong sa adhikain ng kooperatiba para sa "Matapat at mahusay na serbisyo tungo sa kaunlaran ng pamayanan sa pananalapi at tumutugon sa pangangailangan ng kasapian."

Nagtapos ang programa sa pagbibigay ng pangwakas na pananalita mula sa Direktor ng Board ng UPCC na si G. Renato Villanueva.

 

Maraming salamat sa lahat ng bumubuo ng ating kooperatiba! Mabuhay kayo!